Iniulat ni Philippine National Police chief PGen Benjamin Acorda Jr. na aabot sa libo-libong mga indibidwal na ang naaresto ng Pambansang Pulisya na may kaugnayan sa illegal gambling sa loob ng anim na buwan.
Ito ay matapos ang ikinasang 50,000 police operations ng PNP na may kaugnayan sa ilegal na pagsusugal kung saan aabot sa 41,000 mga indibidwal ang naaresto nito mula noong Enero 2023 hanggang Hunyo 2023.
Ayon kay Gen. Acorda, ito ay bahagi ng mas pinaigting pa na “crackdown” ng Pambansang Pulisya laban sa illegal gambling sa bansa na mas pinagtibay pa ng “one-strike and no-take policy.
Samantala, nagbabala rin ang heneral na ang sinumang mga pulis mula sa regional, provincial, at gayundin sa mga chiefs of police stations at community precinct commanders, at iba pang mga leader ng lahat ng yunit ng PNP na mapapatunayang nakukulangan sa aksyon sa pagtugon at pagsugpo sa illegal gambling sa kani-kanilang mga lugar ay sisibakin sa kanilang mga puwesto.
Bukod dito ay sasampahan din sila ng kasong administratibo sa ilalim ng doctrine of command responsibility.
Kaugnay nito ay pinagana na rin ng PNP ang lahat ng mga tauhan nito mula Regional/Provincial/City Anti-Illegal Gambling Special Operations Task Groups upang mas mapaigting pa ang implementasyon ng Anti-Illegal Gambling Campaign Plan: Operation High Roller.
Gagamitin din ng mga specialized units ng PNP ang kanilang mga expertise sa paglilikom nito ng intelligence upang magsagawa ng mas mabusising imbestigasyon at strategic interventions para sa pakikibaka ng pamahalaan kontra ilegal gambling.