BAGUIO CITY – Ipinagbabawal na ang pagpasok ng live pigs sa Benguet matapos makumpirma na nakapasok na sa lalawigan ang African Swine Fever (ASF) virus.
Ayon kay Benguet Governor Melchor Diclas, isinasapinal na nila ang executive order para sa pagdeklara ng total ban sa pagpasok ng live pigs sa lalawigan.
Natanggap aniya sila ng kumpirmasyon noon pang Miyerkules na nagpositibo sa ASF ang mga samples na pinadala nila para sa lab test kung saan kinuha nila ang mga samples mula sa mga babuyan sa Camp 1, Tuba at sa Beckel, La Trinidad.
Isinailalim aniya sa culling ang 177 na mga baboy sa isang commercial piggery sa Camp 1, Tuba matapos magpositibo sa ASF virus ang isang baboy doon.
Sinabi ni Diclas na mismong may-ari ng piggery ang nag-report sa insidente at boluntaryong nagpa-culling sa kanyang mga baboy para maiwasan ang posibleng pagkalat ng ASF.
Paniwala ng mga ito, nagmula ang kontaminasyon ng baboy mula sa ipinakain ng owner na kinuha nito sa isang sikat na restaurant sa Baguio City.
Isinailalim din sa culling ang 52 na baboy ng isang police officer sa Beckel, La Trinidad matapos makitaan ang mga ito ng sintomas ng ASF.
Napag-alamang sa online binili ng nasabing pulis ang mga piglets sa halagang P200,000 at kinuha niya ito sa Pangasinan bago itinago sa mga ordinaryong pickup trucks kaya nakaiwas sa mga quarantine checkpoints.
Dahil dito, mahigpit ng ipapatupad ng provincial government ng Benguet ang “1-7-10 protocol” sa mga siyam na kalsada papasok ng ibat-ibang bayan ng Benguet at sa Baguio City habang mapapayagan lamang na maipasok sa Benguet ang mga imported frozen meat na may sertipikasyon na nagmula ang mga ito sa mga bansang walang kaso ng ASF.