-- Advertisements --

Malaki ang inaasahang epekto sa kalagayan ng turismo sa bansa ng mass departures ng mga foreigners dahil sa COVID-19 pandmeic, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Base sa datos na hawak ng BI, nasa 2 million foreign nationals ang umalis ng bansa mula Enero hanggang Setyembre 2020.

Aabot lang naman ng 1.5 million foreigners ang dumating ng Pilipinas, kung saan karamihan ay pumasok ng bansa bago pa man nagpatupad ng travel restrictions ang pamahalaan.

Sa isang statement, sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na dahil sa pandemya, sa unang pagkakataon, dumami talaga ang bilang ng mga foreign nationals na umalis ng bansa kaysa pumapasok o dumarating.

Kaya naman ang mga lugar na dati ay punong-puno ng mga turista, manggagawa, o estudyante ay kasalukuyang halos nilalangaw na lamang.

Umaasa naman aniya sila na unti-unting bumalik ang kumpiyansa ng mga foreign nationals at muling bumisita, mag-invest, magtrabaho, o mag-aral sa Pilipinas.

Base sa datos ng BI, ang mga Korean nationals ang nangunguna sa listahan ng mga departures na may 400,000 exits; pumapangalawa ang mga American at Chinese national na may 300,000 exits, at Japanese na may mahigit 166,000 exits.

Sinabi ni Morente na 188,517 Chinese nationals ang dumating sa bansa mula Enero hanggang Setyembre.

Samantala, 292,669 Chinese nationals naman ang umalis ng Pilipinas sa kaparehas na period.

Sa ngayon, base sa datos ng BI, nasa 500,000 Chinese nationals na lang ang nananatili sa Pilipinas hanggang sa kalagitnaan ng buwan ng Setyembre.