-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN -Hindi bababa sa 10 mga barangay mula sa iba’t ibang mga munisipalidad at lungsod sa lalawigan ng Pangasinan ang nakatakdang ideklara bilang drug-cleared sa isasagawang evaluation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pangasinan ngayong araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rechie Camacho, Provincial Officer ng naturang tanggapan, sinabi nito na ang 10 aplikanteng mga barangay ay mula sa bayan ng Agno, San Carlos City, San Fabian, Manaoag, Umingan, at iba pang mga bayan at lungsod.

Aniya na kung magkataon ay mababawasan ang 149 na mga lugar na hindi pa nagiging drug-cleared at magiging 139 na lamang ito.

Saad pa nito na masyado pang maaga upang sabihin kung may kapansin-pansin sa pagpasok at paglabas ng ilegal na droga sa lalawigan, gayunpaman ay nananatiling mahigpit na nakabantay ang kanilang hanay sa ilegal na kalakaran at gayon na rin sa mga drug dens, lalong lalo na sa mga mahigpit nilang binabantayang mga lugar.

Mas pinaigting din nila aniya ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga, kasabay ng iba’t ibang mga programa na kanilang inilulunsad gaya na lamang ng drug-clearing operations, at gayon na rin ang pakikipagdayalogo sa mga opisyal ng iba’t ibang mga lugar sa lalawigan kaugnay ng naturang usapin.