Nakatakdang sirain ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang humigit kumulang isang tonelada o 1,000 kilong shabu.
Ito ay bilang pagtalima sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na sirain na ang lahat ng shabu evidence na hawak ng mga otoridad.
Kasabay nito, patuloy din umanong nakikipag-ugnayan ang PDEA sa Supreme Court (SC) kaugnay sa pag-isyu ng court orders para sa pagsira ng mga drug evidence sang-ayon sa Office of the Court Administrator (OCA) Circular 118-2020 na inisyu ng Supreme Court Administrator.
Makikipag-ugnayan din umano ang PDEA sa Department of Justice (DoJ) para humingi ng payo kay Justice Sec. Menardo Guevarra kaugnay pa rin ng pagtanggi ng ilang prosecutors na tumugon sa mosyon ng PDEA na magsagawa ng ocular inspection, kumuha ng representative samples at subsequent issuance ng court order para masira.
Ang mga ebidensiya ay ang mga kasong nakabinbin o nasa ilalim ng automatic review gaya ng kaso ng 540.6 kilogram ng shabu.