Inirekomina ni Finance Sec. Carlos Dominguez III na kunin bilang contact tracers ang ilang milyong manggagawang nawalan ng trabaho sa kasagsagan ng enhanced community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF-EID) kagabi, sinabi ni Dominguez na tinatayang 1.2 million hanggang 1.5 million manggagawa ang nawalan ng trabaho bunsod ng lockdown.
Kaya inirekominda nitong bigyan ng pamahalaan ng trabaho ang naturang manggagawa bilang mga contact tracers sa mga nakahalubilo ng mga indibidwal na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Dominguez, malaking tulong ito hindi lamang para sa mga apektadong manggagawa kundi maging sa hakbang na rin ng pamahalaan sa laban kontra nakakamatay na sakit.
Sinabi ng kalihim na sa ngayon, inaabot ng isang buong araw ang isang contact tracers sa contact tracing na ginagawa nito para sa iisang COVID-19 case lamang.
Kahapon, inanunsyo ng Department of Health (DOH) na pumalo na sa 11,086 ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Umakyat din sa 726 ang death toll, habang pumalo na sa 1,999 ang mga naka-recover sa naturang nakakamatay na sakit.