Nilinaw ni AFP Western Command, commander Vice Admiral Alberto Carlos na test mission lamang o experimental voyage lang ang misyon ng supply boat ng Pilipinas na binomba ng water cannon ng China Coast Guard.
Ito ang iniulat ng naturang top military official na lulan din ng naturang barko na Unaizah May 4 nang mangyari ang insidente.
Ayon kay Vice Admiral Carlos, walang karga na anumang supply para sa rotation and resupply mission ng Armed Forces of the Philippines.
Ito ay sa kadahilanang ang pangunahing layunin ng misyon nito ay ang alamin kung kakayanin ba nitong makapasok sa low-elevation shoal.
Gayunpaman ay sinabi ng opisyal na hindi naging matagumpay ang misyon na ito nang dahil nga sa panghaharass at pangbobomba ng water cannon ng mga barko ng China Coast Guard.
Kung maaalala, nabasag ang salamin ng windshield ng Unaizah May 4 nang dahil sa malakas na impact ng pangbobomba ng tubig ng China na nagresulta naman sa pagkasugat ng apat na tauhan ng Philippine Navy na lulan nito.