BACOLOD CITY – Patay ang isang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) makaraang barilin ito sa San Carlos City, Negros Occidental.

Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, si SPO2 Remus Bayawa ay pinaslang habang papasok sa San Juan Baybay, Barangay 6, San Carlos City.

Nagtamo siya ng maraming tama ng bala sa katawan na siyang naging sanhi naman ng kanyang pagkamatay.

Sa pagresponde ng mga pulis, nakuhanan pa ang biktima ng isang sachet ng suspected shabu, tooter, at caliber .45 pistol.

Bago nag-AWOL, si Bayawa ay dating nakadestino sa 1st Mobile Force Company sa Barangay Bunga, Salvador Benedicto ngunit umalis sa serbisyo matapos kasuhan na may kinalaman din sa illegal drugs.

Samantala, arestado rin ang dating miyembro ng Philippine Army at limang iba pa sa buybust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Negros Occidental at San Carlos City PNP sa Barangay 6

Arestado ang subject person na si Erwin Siaboc, 45-anyos at level 2 high-value target na may standing warrant sa kasong murder.

Nahuli rin sina Jonathan Dumundon, 40, dating sundalo; Eric Ernesto, 45; Roderick Visitacion, 45; Diosdado Minita, 46; at Regina Bascones, 33.