-- Advertisements --

Makakatulong ang napapanahong pagpasa ng P5.768 trillion pambansang pondo para sa 2024 para suportahan ang paglago ng ekonomiya ng bansa.

Ito ang inihayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang batas ang pambansang pondo para sa 2024 nitong Miyerkules.

Ayon pa sa kalihim ang 2024 spending bill na 9.5% na mas malaki kumpara ngayong taon ay magpapahintulot aniya sa mga ahensiya ng gobyerno na pabilisin ang paghahatid ng mga serbisyo o programa para sa publiko na pangunahing nakatutok sa social at economic services.

Sinabi din ng NEDA chief na ang government spending ay isang major driver ng ekonomiya sa nakalipas na taon lalo na sa kasagsagan ng pandemiya kung saan napilitan ang ilang sektor na limitahan ang mga aktibidad ng kanilang mga negosyo.

Sa ilalim ng 2024 budget, ang Department of Education ang may pinakamataas na alokasyon na P924.7 billion sinundan ng DPWH at DOH na nagkakahalaga ng P822.2 billion at P306.1 billion.