-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang tatlo katao matapos mahulog sa bangin ang isang pampasaherong jeep na minamaneho ng isang konsehal sa Barangay San Vicente-Antipolo sa bayan ng Baao, Camarines Sur bandang tanghali kahapon, Agosto 9, 2022.

Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Margarita Cavitana Zoilo, nanay ng groom, 61-anyos; Ester Bustenera at isang 16-anyos na dalagita, kapwa residente ng naturang bayan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCMS Marvin Sanchez, sinabi nito na nawalan ng kontrol sa minamanehong sasakyan ang driver na kinilalang si Baao Municipal Councilor Benjamen Blanquera Boaquiña na patungo sana sa bayan ng Bato sa nasabing lalawigan, upang dumalo sa kasalan.

Aniya, pataas umano ang naturang lugar at patungo sa bukid kung saan pagdating sa pakurbadang bahagi ng kalsada dito na umano nawalan ng kontrol ang driver at tuluyang nahulog sa bangin.

Nilinaw naman ni Sanchez na wala sa ilalim ng impluwesiya ng alak ang driver nang mangyari ang naturang insidente.

Samantala, sa kabuuan nasa 32 katao ang sakay ng nasabing jeep kung saan ang ilan sa mga nasugatan ay agad namang isinugod sa ospital para sa paunang lunas at kasalukuyan pang nagpapagaling.

Sa kabila nito, nabatid din na itinuturing bilang accident prone area kung saan nangyari ang aksidente.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagwang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.