-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nangangamba ang ilang mga residente sa Zone 4 research brgy Minante 1, Cauayan City ang isang sinaunang poste ng kuryente na nakatagilid na dahil sa kalumaan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Ederlina Manuel, may sakop sa nasabing lugar sinabi niya na matagal na itong problema at naidulog na rin sa kanila ng ilang mga residente na malapit sa naturang poste.

Tuwing pinag uusapan aniya ang tungkol sa kuryente ay ito ang nangungunang concern sa kanilang Brgy dahil sa nakatagilid na ito at delikado kung matumba.

Matagal na umano nila itong nirerequest sa Iselco 1 na palitan at irelocate ang poste dahil nasa gilid pito ng daan at maraming mga punongkahoy sa tabi nito.

Kung malalaking sasakyan ang dadaan ay laging nasasabit sa kawad ng kuryente.

May written letter na umano silang pinasa sa Iselco 1 at ilang beses naman na itong tinignan ng ilang mga kawani ng naturang kooperatiba.

Nagkaroon na rin sila ng survey sa iba pang poste ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring aksyon.

Luma na ang poste at gustohin man nilang mapalitan ay wala naman silang kakayahan sa pagpapalit kaya inaantay nila ang Iselco 1.

Nasa sampong taon na itong problema at patuloy naman ang pag follow up ng kasama niyang brgy official ngunit wala silang marinig na dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pang solusyon sa problema ang Iselco 1.

Nanawagan siya sa Iselco 1 na sana ay maaksyunan na ang problema upang mawala na ang pangamba ng mga tao na malapit sa lugar.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan Kay Area Engineer Teodorico Dumlao ng Iselco 1 sinabi niya na kapag may natatanggap silang ganitong concern ay agad nilang inuutusan ang kanilang foreman o inspector para maivaluate ang reklamo at malaman kung kailangang ayusin kaagad o hindi upang mailine up at mapalitan.

Ngayon lamang umano nila narinig ang ang nasabing problemang ngunit lagi naman nilang nakakausap ang isang brgy official sa naturang barangay na si Kagawad Tumaliuan na Brgy. Electrician.

Napagkasunduhan umano na lahat ng proyekto ni Barangay Kagawad Tumaliuan ay kailangang ma-evaluate at naila-line up.

Tiniyak naman niya na gagawan nila ng aksyon ang nasabing reklamo ng mga residente.

Humingi siya ng paumanhin sa mga residente sa problemang lumang poste at iginiit niya na bagong assign lamang siya bilang Area Engineer at maaring hindi naiturn over sa kanila ang naturang problema.

Ngayong hapon ay tutunguhin ng kanilang foreman ang nasabing lugar upang makita kung ano ang dapat gawin at maiwasan ang hindi magandang pangyayari.

Ayon kay Eng’r. Dumlao Generic program nila ang pagpapalit sa mga lumang poste at tiniyak niya na ipapatupad nila ang tamang serbisyo ng kuryente.