-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tuluyan nang binawian ng buhay ang isang lalaki mula sa Barangay Mohon, Tagoloan, Misamis Oriental, matapos nagtamo ng degree burn ang ari at iba pang bahagi ng katawan nito.

Kinilala ang biktima na si Ponciano Biñan, 37-anyos.

Nagtamo siya ng mga paso sa pribadong parte at ilan pang bahagi ng katawan nang sinunog ng live-in partner nito na si Martines Sumalpong, 37-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Tagoloan Police Station commander Major Ramil Amantiaga na unang nagbibilad ng mga mais ang biktima at sinabayan ng kaunting inuman kasama ang barkada.

Nang makatulog ito ay dito na biglang binuhusan ng gas ng kanyang partner ang ari at sinilaban

Inihayag ni Amantiaga na agad sumaklolo ang mga kaanak at kapitbahay ng dalawa kaya itinakbo sa pagamutan.

Subalit dahil umano sa sobrang mahal ni Biñan ang kanyang kinakasama ay hiniling niyang pakawalan ito habang naka-kustodiya sa pulisya at pumirma na hindi na maghahahain pa ng reklamo.

Ito ang dahilan na umuwi pa sa kanilang bahay ang dalawa subalit paglipas ng ilang oras ay hindi na nagising pa ang lalaki.

Umalis din ang suspek pauwi sa sarili nitong pamilya sa Bukidnon.

Salaysay ng mga kaanak ng biktima, tila may deperensya umano sa pag-iisip ang suspek dahil sa kakaibang ikinikilos nito.

Sa pinakahuling ulat, nagkasundo na ang dalawang panig na wala nang sampahan ng kaso sa kondisyon na mismong pamilya ng suspek ang mag-aasikaso sa burol hanggang mailibing ang mapagmahal na biktima sa kanyang live-in partner.