-- Advertisements --
POLICE WOMAN

Iniulat ng Philippine National Police (PNP) ngayong araw na nakapagtala ito ng pagbaba sa bilang ng mga krimen sa bansa.

Ayon kay Police spokesperson Pcol. Jean Fajardo, nasa 11% ang ibinaba ng crime statistics ng Pilipinas kumpara sa datos na naitala noong nakaraang taon.

Batay yan sa ibinigay na datos ng PNP-Directorate for Investigation and Detective Management mula Hulyo 1 hanggang Setyember 5, 2022.

Aniya, ang pagbabang ito sa mga krimen ay malaki ang naitutulong para makapagbigay ng confidence sa taumbayan upang maiparamdam sa mga ito ang kanilang seguridad at kaligtasan hindi lamang sa kanilang mga tahanan kundi pati na rin sa mga pangunahing lansangan sa bansa.

Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng ating mga kababayan.

Dahilan kung bakit mas pinapaigting pa ng buong hanay ng kapulisan ang maximum police presence hindi lamang sa mga paaralan kundi pati na rin sa mga public convergence o crime prone areas.

Samantala, ibinahagi rin ni Fajardo na upang tiyak na maipatupad ang mahigpit na seguridad sa bansa ay binigyan na rin nila ng patrol duties ang mga pulis na nasa admin duties.

Maging ang mga specialized pnp units aniya mula sa mga mobile force companies at special action force ay tutulong na rin upang matiyak na mapapanatili ang police presence at visibility lalo na ngayong nagsimula na ang “ber” months.