-- Advertisements --

Tiniyak ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na maipapamahagi hanggang sa deadline ang ayuda ng lahat ng mga residente ng National Capital Region (NCR) kasunod ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula Agosto 6 hanggang 20 ngayong taon.

Kung maalala nagpatupad ang pamahalaan ng mas mahigpit na quarantine protocols matapos makapasok sa bansa ang mas nakakahawang variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na Delta variant.

Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, sa ngayon nasa 60 percent na raw na ayuda ang naipamahagi ng ating pamahalaan sa mga residente ng NCR at kampante itong sa loob ng limang araw ay maibibigay na ang lahat ng ayuda bago ang deadline sa Agosto 25.

Sinabi ni Malaya na wala naman umanong napaulat na super spreader event sa pamamahagi ng ayuda sa mga nasa Metro Manila bagamat nagkaroon ng kaunting problema sa San Pedro, Laguna dahil bumuhos ang mga taong kukuha ng ayuda pero nakagawa daw naman agad ng adjustment ang lokal na pamahalaan at sa sumunod na araw ay naging okay na ang pamamahagi ng ayuda.

Dagdag ni Malaya, mas naging sistematiko raw ang pamamahagi ng ayuda ngayong kumpara sa pamimigay ng cash aid noon o ang Social Amelioration Program (SAP) dahil may klasipikasyon pa noon ang mga tatanggap ng cash.

Sa ngayon daw kasi ay indibidwal na ang naging basehan sa pamamahagi ng ayuda at ang mga low income individual ay makatatanggap ng tig-P1,000 at maximum na P4,000 naman kada pamilya.

Patuloy naman umano ang pamamahagi pa rin ng ayuda at ang ibang LGUs ay mix ang ginagawang pamamaraan ng pamamahagi ng ayuda, ito ay sa pamamagitan ng electronic payment gamit ang G-cash at sa pamamagitan ng personal pamamahagi mismo sa mga indibidwal.

Ang ibang LGUs ay house-to-house na ang ginawa para maiwasan ang kumpulan ng mga residente sa lugar kung saan ibibigay ang ayuda.

Para naman sa mga residenteng nakatanggap na ng ayuda sinabi ni Malaya na kung mayroong Bayanihan 1 at 2 ay mayroon din umanong Ayuda 1 at 2.

Kaya naman paalala ni Malaya sa mga benepisaryo ng Ayuda 1 na wala sa kanilang mga LGUs dahil ang iba ay umuwi sa mga probinsiya, wala silang matatanggap na Ayuda 2.