-- Advertisements --

Tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) na hindi makakaapekto sa mga operasyon ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang isasagawang scheduled power interruption para sa maintenance activities.

Ayon sa MIAA, masusing pinagplanuhan ang pag-upgrade ng electric systems sa NAIA terminal 3 para matiyak ang patuloy na operasyon partikular na kapag peak hours.

Ipinaliwanag din ni MIAA General Manager Eric Ines na ang electrical upgrade activities na magtatagal pa hanggang Mayo 28 ay hindi makakahadlang sa pagproseso sa mga pasahero at bagahe at wala ring disruptive effect sa flight operations.

Itataon din aniya ang electrical upgrade activities sa huling flight at hindi sa peak hours ng operasyon ng terminal na aabutin lamang ng 15 minuto hanggang 3 oras o mula 12:01 am hanggang 3am.

Ang south side ng terminal 3 ay maapektuhan ng maintenance activities na magreresulta sa pagbawas ng lighting at air conditioning sa hallways at lobbies mula sa 1st hanggang 4th level ng terminal, staircases at ilang opisina sa 2nd at 3rd level.

Sa kabila nito, tiniyak naman ng ahensiya sa mga pasahero na mayroong generator sets na nakahanda sakaling kailanganin habang isinasagawa ang maintenance works sa terminal.