Nagdagdag pa ng screeners mula sa Office for Transportation Security (OTS) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang paghahanda sa inaasahang buhos ng mga pasahero sa Undas ngayong taon.
Kabuuang 110 screeners ang idineploy pa.
Sa ngayon kabuuang 1,203 OTS personnel ang nakatalaga sa mga terminal ng NAIA at 1,232 personnel sa iba pang paliparan sa bansa.
Ang deployment ng security auditors ay para tiyakin na maayos at mabilis na naipapatupad ng airport operators ang security measures sa mga paliparan alinsunod sa national at international standards.
Ayon kay OTS Acting Administrator Jose Briones Jr., titiyakin nila ang 24/7 na pagbabantay sa seguridad sa paliparan.
Nagsasagawa rin aniya sila ng preventive maintenance ng lahat ng security screening equipment para maiwasan ang aberya lalo na sa inaasahang dagsa ng mga pasahero.
Naglunsad na rin ang tanggapan ng information campaign para malaman ng mga biyahero ang mga dapat at hindi dapat gawin at listahan ng mga ipinagbabawal na gamit kasama na ang paglimita sa bagahe at tanging mahahalaga lang ang dalhin para sa mas mabilis na pagproseso sa screening checkpoints.