-- Advertisements --

Arestado ang isang illegal recruiter sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang resturant sa Olivarez Plaza, Barangay Silang Crossing East sa Tagaytay City.

Nakilala ang suspek na si Danica Nwanguma Dela Cruz.

Ayon kay CIDG Spokesperson Lt. Col. Mary Grace Madayag, rumesponde ang mga pulis sa sumbong ng dalawang biktima.

Huli naman sa akto ang suspek na tumatanggap ng marked money na kinumpiska rin ng mga otoridad.

Nabatid na nangangako ang suspek sa mga biktima nito na makakapagtrabaho sa New zealand na may mataas na sahod.

Ayon sa mga biktima, umabot na sa P418,000 ang pera na nakuha sa kanila ng suspek na magpoproseso sana ng kanilang employment.

Hindi pa nakontento ay nanghingi pa rin ang suspek ng karagdagang P400,000 para makaalis daw ang mga biktima bukas, May 31.

Dito na naghinala ang mga biktima at nakipag-ugnayan sa pulisya para malaman kung lehitimo ang agency na pinagtatrabahuhan nito.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995 ang suspek.