-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Umaabot na sa 3,528 na pamilya ang nagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lalawigan ng Aklan.

Ayon kay Beverly Salazar, provincial link ng DSWD-Aklan, 775 household ang nag-graduate noong nakaraang taon sa programa makaraang wala na silang mga anak na may edad 0 to 18 years old at nakarating na sa level 3 o naging maayos na ang kanilang pamumuhay.

Noong Abril ng kasalukuyang taon ay umabot sa 761 ang nagtapos sa programa habang sa darating na Nobyembre 29 ay nakatakda ang pag-exit ng nasa 1,992 na pamilya.

Maliban sa voluntary exit ay may iba pang paraan na matanggal ang isang benepisaryo sa programa batay sa Republic Act 11310 o 4Ps Act.

Kasama dito ang automatic exit o pagtanggal sa isang household kapag ang mino-monitor na estudyante sa isang pamilya ay umabot na sa 19-anyos o nakapagtapos na ng high school.

Limitado lamang sa pitong taon ang pananatili sa programa upang mabigyan ng pagkakataon ang ibang pamilya na mabigyan ng tulong at kung mali ang paggamit ng cash grant o ginastos ito sa sugal, alak, at iligal na droga.

Ang mga nagtapos sa 4Ps program ay patuloy na tutulungan ng DSWD sa pamamagitan ng livelihood opportunities.