NAGA CITY – Patay ang isang nagpakilalang miyembro nang tinaguriang Concepcion criminal group matapos manlaban umano sa isinagawang entrapment operation ng mga otoridad sa Balatan, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Stanley Veloso, 46, residente ng Pagatpatan, Bato Camarines Sur.

-- Advertisement --

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay S/Sgt. Ritchie Doctolero, tagapagsalita ng Balatan-PNP, sinabi nitong bago pa man ang insidente una nang nag-report ang isang negosyante mula sa Brgy. Duran, Balatan sa umano’y pangingikil ni Veloso ng pera na nagkakahalaga ng P50,000.

Kaugnay nito, agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga otoridad laban sa nasabing suspek.

Ayon kay Doctolero, iaabot na sana kay Veloso ang pera nang mapansin nito na pulis pala ang kanyang katransaksyon kung kaya agad itong bumunot ng baril at nakipagpalitan ng putok sa mga otoridad.

Dahil sa insidente, nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek na naging dahilan ng kamatayan nito.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.