Nadagdagan pa ng 1.5 milyong Pilipino mula sa low-income families ang nagpa-rehistro na sa Philippine Identification System (PhilSys) makaraang palawigin ang naturang programa sa buong bansa simula noong Enero 18.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang mga nadagdag na registrants ay kasama sa listahan sa unang anim na araw ng expanded registration program.
Noong nakaraang taon aniya ay nasa 10.5 milyong Pilipino na ang nagparehistro mula sa 32 probinsya na sakop ng national ID program.
Dagdag pa nito na nagsimula na sa probinsya ng Laguna, Cavite, Batangas, Bataan, Zambales at Rizal ang Step 2 ng registration process para sa national ID system upang kunin ang biometric information ng mga magpaparehistro.
Target ng gobyerno na maging foundational ID sa bansa ang national ID para palakihin pa ang financial inclusion ng mga Pilipino.
Magiging prayoridad sa initial batch ng registrants ay ang mga benepisyaryo sa cash aid program ng gobyerno.
Saad pa ni Mapa na nakahanda rin ang PSA para sa programa at target nito na mairehistro ang nasa 50 hanggang 70 milyong Pilipino ngayong taon.
Nilagdaan bilang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2018 ang Republic Act 11055 o Philippine Identification System Act na layunin magkaroon ng isang national ID ang mga Pilipino gayundin ang resident aliens.
Magsisilbi rin itong valid proof of identity para padaliin ang public at private transactions, enrollment sa eskuwelahan at maging pagbubukas ng bank accounts.