Naninindigan ang pamunuan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) na nag-suicide talaga ang kanilang naarestong suspek na nanghalay sa walong taong gulang na batang babae.

Ayon kay PNP-AKG Director, Pol. S/Supt. Glen Dumlao, totoong nang-agaw ng baril ang suspek na nakilalang si Larry Herrera at saka ito nagbaril sa sarili.

Ibinunyag din ni Dumlao na kakaiba na ang kilos ng suspek bago pa man mangyari ang insidente kung saan simula nang makulong ay hindi na ito nagsasalita na tila may malalim na iniisip.

Hindi na rin aniya ito natutulog mula nang mahuli hanggang sa nangyari ang suicide sa loob ng Camp Crame kagabi.

Sinabi ng opisyal na posibleng nakonsensya ang suspek kaya pinili nitong magpakamatay na lamang.

Posible rin aniya na alam ng suspek na ibabalik siya sa Ihawig Penal Colony kung saan may tradisyon umano roon na pinapatay din ang mga may kasong rape.

Sa kabilang dako, isinasailalim na sa paraffin test ang dalawang security escorts na sina SPO1 Granr Chaluyen at PO2 Felix Parafina.

Nakatakda ring imbestigahan ang dalawang pulis ng PNP-Internal Affairs Service (IAS).

Si Herrera ay una nang nakulong sa Ihawig dahil sa kasong theft noong 2006 at nang pagkalooban siya ng parole noong 2014, inampon sya ng isang pamilya sa Nueva Ecija subalit kinalaunan ay dinukot nito ang kasama nila sa bahay na walong taong gulang na batang babae na ginahasa muna bago pinatay.