Nabigo ang ilang grupo na nagsagawa ng transport strike na makagambala sa normal na operasyon ng pampublikong sasakyan partikular dito sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.
Ito ay bunsod sa mahusay na pagtugon ng pamahalaan upang mapagsilbihan ang mga commuters na apektado ng tigil pasada.
Sa isang briefing na isinagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sinabi ng mga opisyal na nabigo ang mga nagprotesta na magdulot ng malaking pagkagambala dahil ang transport strike ay nakakonsentra lamang sa Metro Manila at nabigong makakuha ng malaking suporta sa ibang rehiyon.
Iniulat ng inter-agency task force monitoring team na ilang ruta lamang ang naapektuhan ng welga na ang kabuuang bilang ng mga nagpoprotesta ay hindi lalampas sa 500.
Nakapagtala ng ilang insidente ng mga panliligalig laban sa mga driver ng mga public utilities na hindi nakilahok sa welga, agad naman ito natugunan kung saan pinalakas pa ng PNP ang kanilang police visibility ng sa gayon matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng publiko.
Bandang ala-1:30 ng hapon kanina normal na ang operasyon ng EDSA Busway carousel kung saan may sapat na bilang ng mga bus na bumibiyahe sa kanilang ruta.
Sa bahagi ng Calabarzon region, sa pangkalahatan naging mapayapa ang sitwasyon.
Walang naitalang mga aktibidad na “tigil pasada” sa mga lalawigan ng Cavite at Rizal.
Inihayag ng Palasyo na may grupo at indibidwal na nagsasagawa ng mga protesta at iba pang aktibidad na tumututol sa phase-out program ng mga lumang PUV at PUJ, hindi naman ito humantong sa anumang pagkagambala o pagkaparalisa ng sistema ng transportasyon sa rehiyon.
Iilan lamang sa mga driver at operator ng Public Utility Jeepney (PUJ) ang sumuporta sa unang araw ng panawagan ng transport strike ng PISTON.









