LEGAZPI CITY – Nagnegatibo na sa ikalawang test ang nag-iisang positibong kaso ng Coronavirus disease (COVID-19) sa Catanduanes.
Hinihintay na lang sa ngayon ang susunod na pagsusuri na isasagawa dito upang makabalik na sa pagiging COVID-free ang island province.
Kaugnay nito, may apela si Virac Mayor Sinforoso Sarmiento sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases lalo pa’t una nang inihayag na kabilang ang lalawigan sa mga high-risk areas at extended ang enhanced community quarantine (ECQ) hanggang Mayo 15.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sarmiento, apela nitong mabawasan ng kaunti ang ilang ipinatutupad na restrictions sa lalawigan.
Umaasa ang alkalde na sakaling mag-“double negative” ang resulta ng test ni Bicol #25, na isang 63-anyos na babae mula sa Virac, makakabilang na rin ang Catanduanes sa mga nasa General Community Quarantine sa pagtatapos ng buwan.
Nasa isolation facility na rin ang babae at ibinibigay ang mga pangangailangan upang agad na maka-recover.
Tiniyak naman ng opisyal na binabantayan at nakatutok sa kondisyon ng 148 katao na nabatid na nakahalubilo ng covid positive.
Ang island province at Albay na lamang ang nasa extended ECQ sa buong Bicol region.