Iprinisinta nitong Lunes ng umaga sa media ni Philippine National Police (PNP) chief P/D/Gen. Ronald dela Rosa ang naarestong Maute-ISIS sub leader na nakilalang si Nasser Lomondot, isa sa mga key planner ng Marawi rebellion.
Ayon kay Dela Rosa, naaresto si Nasser kasama ang isa pang miyembro na si Rizzalam Lomondot sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Manila Police District, PNP Intelligence Group, NICA at 103rd Brigade ng Philippine Army sa may bahagi ng Tondo, Manila noong Sabado Marso 3, 2018.
Kasong paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunitions at RA 9516 ang isinampa laban sa dalawang suspek.
Tanging ang Maute-ISIS sub leader naman ang iniharap sa media.
Ayon kay 1st Infantry Division Commander MGen Roseller Murillo, isa si Nasser sa mga key planners ng Marawi rebellion.
Sangkot umano ito sa pag-atake sa detachmet ng Civilian Active Auxiliary (CAA) sa Brgy. Mantapoli, Marantao, Lanao Del Sur at pagpatay sa mga inosenteng sibilyan.
Mananatili muna sa kustodiya ng MPD ang dalawang suspek.