-- Advertisements --
image 35

Nasa 2.4 milyong Pilipino na sa buong bansa ang naapektuhan ng super typhoon Egay at ng habagat, kung saan libu-libo pa rin ang nasa evacuation centers.

Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 668,974 pamilya o 2,452,738 katao ang naapektuhan ng ika-5 bagyo sa bansa ngayong taon.

Sa nasabing bilang, halos 14,000 pamilya o mahigit 50,000 indibidwal ang nasa loob pa rin ng 736 evacuation centers, karamihan sa Central Luzon at Ilocos Region.

Nananatili sa 25 ang bilang ng mga nasawi dahil sa nagdaang bagyong Egay, na may 2 kumpirmadong namatay at 23 pa rin ang sumasailalim sa validation.

Karamihan sa mga naiulat na namatay ay nasa Cordillera Administrative Region (CAR) na may 12, kasunod ang Ilocos Region na may 8.

Hindi bababa sa 52 katao ang nasugatan habang 13 ang nanatiling nawawala.

Sinabi ni NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas na marami pa ring lugar ang binaha lalo na sa bahagi ng Northern Luzon.

Kabilang dito ang 8 lugar sa La Union, 2 sa Cagayan, at 434 sa bahagi ng Central Luzon tulad ng Bulacan, Bataan, Pampanga, at Zambales.

Una na rito, nasa P1.9 bilyon na ang nalugi sa produksyon sa sektor ng agrikultura kung saan mahigit 114,000 mangingisda at magsasaka ang apektado ng epekto ng naturang bagyo.