ILOILO CITY – Minamadali na ng Iloilo Provincial Government ang paghahanda sa mga district hospital sa Iloilo upang tumanggap ng mga “person under investigation” dahil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (n-cov ARD).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Jerry Bionat, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sinabi nito na nag-canvass na ang Iloilo Provincial Government ng mga protective gear at apparatus na ilalagay sa mga ospital.
Ayon kay Bionat, kabilang sa mga bibilhin ng Iloilo Provincial Government ay ang mga laboratory gown, mask, goggles at iba pang protective gear.
Maliban dito, dadagdagan din ang mga nurse at hospital staff sa mga district hospitals upang makatulong sa paggamot sa mga pasyenteng pinaghihinalaang may Novel Coronavirus.
Kabilang sa mga district hospitals na hinahanda ng Iloilo provincial government ay ang district hospital sa Balasan, San Joaquin at Lambunao.