-- Advertisements --

Dumipensa ang Muntinlupa City government sa reklamo ukol sa nangangamoy na public crematorium.

Ayon kay City Public Information Officer Tess Navarro, kinunsulta na nila ang kanilang crematorium technicians at wala naman daw nakitang peligro.

Ang namataan umanong maitim na usok ay dahil sa naisasamang body bag sa pagsunog ng mga labi, lalo na kung ito ay COVID patient at hindi na pinapayagang buksan pa ang lalagyan ng bangkay.

Malabo rin umano itong makaapekto sa mga residente dahil nasa may sementeryo nakapuwesto ang pasilidad at wala namang nakatira roon.

Samantala, sinabi naman ni Navarro na kaya hindi nasasagot ang ilang tawag sa city health office ukol sa isyu ng crematorium, dahil ang kanilang city health officer na si Dr. Maria Teresa Tuliao ay binawian ng buhay kaninang umaga lang.