Patay ang isang municipal councilor, habang apat ang sugatan sa nangyaring pamamaril kahapon ng hapon sa Barangay Poblacion, Balabagan, Lanao del Sur.

Sa ulat ni PRO-ARMM Spokesperson PSInsp. Jemar Delos Santos, nasa loob ng isang compound ang mga biktima na pagmamay-ari ni dating Mayor Hadji Amer Sampiano ng bigla na lamang pinagbabaril ang mga ito ng limang hindi nakikilalang armadong indibidwal.

Kinilala ni Delos Santos ang napatay na Municipal councilor na si Nassif Palawan Basil ng Kapatagan.

Habang ang apat na sugatan ay sina Alvin Abdullah Sampiano, dating barangay chairman, Bibi Disalongan, Topa Disalongan at Bensuod Mangigin.

Sinabi ni Delos Santos, batay sa inisyal na imbestigasyon ng Balabagan PNP lumalabas na pulitika at personal na galit ang motibo sa insidente.

Batay kasi sa testimonya ng mga testigo nakilala ng mga ito ang mga suspek.

Naglunsad na ng pursuit operations ang PNP laban sa mga suspeks.