KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang wanted na isang incumbent councilor ng bayan ng Tantangan, South Cotabato dahil sa kasong rape at sexual abuse.
Ito ang kinumpirma ni Tantangan Vice Mayor Ceasar Dasilao sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang opisyal na si Municipal Councilor June Seneca na residente ng nabanggit na bayan.
Ayon kay Dasilao, naaresto si Seneca sa Barangay Bula, lungsod ng General Santos.
Dagdag pa ng bise alkalde, isang menor de edad ang biktima at naging scholar pa ng konsehal.
Lumabas umano ang reklamo laban kay Seneca noong nakaraang eleksiyon pa hanggang tuluyang sinampahan ng kaso. Kung matatandaan buwan pa ng Enero nitong taon nang lumabas ang warrant of arrest laban sa opisyal.
Sa inilabas na warrant of arrest walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa kasong rape laban sa opisyal, habang P200,000 naman para sa kasong sexual abuse.
Napag-alaman na si Councilor Seneca ay muling nahalal sa pwesto nitong nakalipas na election sa bayan ng Tantangan, South Cotabato sa kabila ng akusasyon laban sa kanya.