Layon lamang ng mga mambabatas na gawing organisado ang mabilis pagbili ng COVID-19 vaccines kaya hindi itinuloy ang pagpayag sa direktang pagbili ng mga local government units (LGUs) mula sa mga manufacturers, ayon kay Quirino Rep. Junie Cua.
Sinabi ito ni Cua sa Ugnayan sa Batasan press briefing nitong umaga matapos na in-adopt ng Kamara ang Senate version ng proposed Covid-19 Vaccination Program Act of 2021 kagabi.
Ayon kay Cua, co-author ng House Bill No. 8649, kulang pa rin sa ngayon ang supply ng bakuna sa buong mundo kaya inalis ang probisyon sa panukalang batas na nagpapahintulot sa direktang pabili ng mga LGUs sa COVID-19 manufacturers.
Ito ay paraan na rin upang sa gayon ay hindi mag-agawan ang mga LGUs sa limitadong supply ng bakuna.
Bukod dito, hindi rin aniya kakayanin sa ngayon ng mga pharmaceutical companies na kausapin at pagbigyan ang lahat ng mga LGUs sa kanilang hiling na supply ng bakuna.
Gayunman, sa oras na dumami na ang supply ng COVID-19 vaccines at mayroon nang clearance para ibenta commercially, sinabi ni Cua na maari namang dumiretso na hindi lamang ang mga LGUs kundi maging ang mga private companies sa mga manufacturers.
Nakasaad sa bersyon ng panukalang batas na ipapadala sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte, kailangan pumasok ng mga LGUs sa multiparty agreement sa national government at pharmaceutical companies para sa bibilhing COVID-19 vaccines.
Ang cap sa volume na maaring bilhin ng bawat LGUs ay 75 percent lamang ng kabuaang bilang ng nasasakupan.
Para mapabilis ang pagbili sa bakuna, pinapahintulutan ng panukalang batas ang mga LGUs na gumawa ng advance payments.
Magkakaroon naman din ng P500 million standby fund para sa indemnity ng mga naturukan ng COVID-19 vaccines na posibleng makaranas ng adverse effects.