Inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. ang posibilidad ng pagsasagawa ng multilateral patrols sa West Philippine Sea (WPS) kasama ang mga kaalyadong bansa ng Pilipinas sa susunod na taon.
Ayon sa AFP chief, may ilang mga bansa ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na magsagawa ng joint maritime at air patrols hindi lamang bilateral kundi multilateral.
Subalit sa ngayon ay wala pang eksaktong plano bagamat patuloy ang pakikipag-usap sa mga kaalyado at partners ng bansa.
Aniya, ang pinaplanong multilateral patrols ay liban pa sa bilateral joint exercises at operation na ginagawa ng AFP kasama ang iba pang kaalyadong bansa.
Binigyang diin naman ng AFP chief na hindi madali ang pagpapatrolya ng sabay kayat kailangang tiyakin na maayos ang lahat dahil ang kaligtasan ang kanilang pangunahing inaalala.
Sa ngayon, wala pang eksaktong bilang kung ilang beses magaganap ang multilateral patrol ngunit iginiit ni Brawner na mas maraming beses itong gagawin sa hinaharap.
Ang mga posibleng kalahok ay ang Estados Unidos at Australia dahil ang Pilipinas ay nagsagawa na ng mga katulad na aktibidad sa dalawang bansa noong nakaraang linggo.