Nagkasundo ang Metro Manila Council (MMC) na gawing pare-pareho ang parusa sa maling pagtatapon ng basura sa mga lungsod ng Metro Manila, kung saan ang pinakamataas na multa ay ₱5,000.
Saklaw nito ang pagtatapon ng basura sa estero, kalsada, kanal at iba pang lugar, alinsunod sa Local Government Code of 1991 (RA 7160).
Tanging ang Pateros lamang ang hindi sakop ng ₱5,000 na multa at mananatili sa ₱2,500 ang parusa nito bilang isang munisipalidad.
Tiniyak naman ni San Juan City Mayor at MMC President Francis Zamora na ang mas mataas na multa ay ipapataw lamang sa mga mahuhuling lumalabag, at walang dapat ikabahala dito ang mga residente.
Ipinatupad ang naturang mas mataas na multa para madisiplina ang mga residente at maiwasan ang mas malaking problema tulad ng madalas na pagbaha.