NAGA CITY- Ikinakabahala ngayon ang posibleng pagkakaroon muli ng landslide sa bayan ng Sangay, Camarines Sur dahil sa mga pag-uulang epekto ng Tropical Depression ‘Jenny’.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Don Panoy, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRMMO) Sangay, aminado itong kung magpatuloy pa ang buhos ng ulan pwedeng lumambot ang lupa at muling gumuho partikular na sa Barangay Patitinan.
Maliban sa nasabing lugar, mahigpit din aniyang minomonitor ang barangay Turague, Bongalon at Sibaguan dahil sa posibleng pagbabaha at pagguho rin ng lupa.
Kaugnay nito, naka-activate na aniya ang buong pwersa ng MDRRMO at rescue team para agad na makaresponde sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Sa ngayon ayon kay Panoy, wala pang naitatalang mga evacuees subalit kung magtuloy-tuloy ang pag-ulan pwedeng ilikas na rin ang mga residente malapit sa landslide area.
Kung maalala, mahigit 30 katao ang namatay sa naturang landslide area nang tumama ang bagyong Usman sa probinsya.