KALIBO, Aklan – Pinawi ng pamunuan ng Beach Cleaners sa Boracay ang pag-aalinlangan ng publiko lalo na ng mga turista sa muling paglitaw ng “green algae” o lumot sa baybayin ng isla.
Ito’y matapos na muli na namang pinag-usapan sa social media ang mga kumakalat na litrato kung saan makikita ang sandamakmak na lumot.
Ayon kay Mr. Garry Tubi, supervisor ng Beach Cleaners sa isla ng Boracay, maituturing na normal ang pagsulputan ng mga lumot lalo na sa pagpasok ng panahon ng tag-init.
Ang lumot aniya ay isang ordinaryong tanawin sa isla noong unang panahon kahit hindi pa ito gaanong na-develop bilang isa sa mga sikat na tourist destination sa buong mundo.
Iginiit pa ni Tubi na hindi ito dulot ng anumang dumi dahil hindi pa gaanong developed ang Boracay noong kabataan niya kompara sa panahon ngayon.
Paliwanag nito, madalas na kung high tide ay umaakyat ang lumot sa dagat habang kung low tide naman ay nananatili ito sa dalampasigan.