-- Advertisements --

Itinutulak ni Quezon City Rep. David “Jayjay” Suarez na muling buhayin ang talakayan sa Charter change (Cha-cha) sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Suarez na kailangan ng mas maayos na Saligang Batas sa pagkamit ng “better normal” sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Iginiit ni Suarez na ngayon ang tamang panahon para matalakay ang mga reporma sa Konstitusyon kahit pa kritikal na pag-usapan ang mga bagay na ito sa gitna ng pandemya at mga nagdaang kalamidad.

“Kailan nga ba ang tamang panahon upang pag-usapan ang isyung ito? ‘Pag natapos na ang pandemya? Sinasabi na huwag pag-usapan ang reporma sa Saligang Batas hangga’t may krisis, pero hindi ba mas mabilis at maayos ang pagtapos sa krisis kung maitatama ang kakulangan ng sistema?” ani Saurez.

Naniniwala rin ito na magiging mas mabilis at maayos ang pagtapos sa krisis kung maitatama ang kakulangan ng sistema.

Partikular na binanggit ni Suarez ang tungkol sa decentralization ng kapangyarihan mula sa national government tungo sa mga lokal na pamahalaan.

Gayunman, aminado ang kongresista na kaiangan ding mag-ingat sakaling buhayin man ang talakayan sa Cha-cha.

“We must pursue reforms to protect our own interests as a nation, but these interests will not be realized if we always shut down the discussion on Charter Change as if it is an unspeakable and absolute evil,” giit nito.