Naniniwala si PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na kinakailangan pa ng ibayong pag-aaral ang muling pagbuhay sa Reserve Officer Training Course (ROTC).
Ito ay sa gitna nga ng kasalukuyang exploratory talks na isinasagawa ngayon ng Department of Education (DepEd) at Department of National Defense (DND) para sa mas komprehensibong pagpapatupad ng ROTC program sa bansa.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo ay sinabi ni Azurin na bagama’t isang “welcome development” para sa PNP ang revival ng ROTC dahil sa magandang layunin nito na mabigyang pagkakataon ang mga mag-aaral na maranasang maging bahagi ng isang samahang humuhubog sa disiplina ng bawat Pilipino ay mahalaga pa rin na mapag-aralang maigi ito.
Ito ay upang matiyak pa rin aniya ang kaligtasan dito at maiwasan ang anumang uri ng sakitan tulad na lamang ng “hazing” na naging sanhi ng pagkasawi ng isang ROTC cadet dahilan kung bakit naging “optional” na lamang ito sa mga estudyanteng nasa kolehiyo.
Kung maaalala, noong 2002 naipasa ang Republic Act 9163 o ang “National Service Training Program Law” kung saan hindi na requirement pa ang pagkuha ng ROTC sa mga mag-aaral para makapagtapos sa kolehiyo.
Ito ay matapos na masawi noong 2001 ang isang cadet na nagngangalang Mark Chua nang dahil sa “hazing”.