Binalaan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga nagbukas na ulit na non-essential businesses sa Luzon kahit hindi pa tapos ang enhanced community lockdown.
Inatasan ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga local government units at Philippine National Police (PNP) na ipasara ang mga non-essential business na nag-operate na kahit sa Abril 30 pa matatapos ang Luzon-wide lockdown.
Maaring arestuhin naman aniya ng PNP ang mga magmamatigas at susuway sa kautusan na ito.
Binigyan diin ni Año na umiiral pa rin ang enhanced community quarantine kaya hindi pa rin pinapahintulutan hanggang sa ngayon ang pagbubukas muli ng operasyon ng mga non-essential businesses.
Nang idineklara ang enhanced community quarantine, tanging mga negosyong napapabilang sa essential services lamang ang pinapahintulutan na makapag-operate tulad ng pharmacies, food manufacturers, telecommunications at media.