-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tatayong lalo lang titibay at lalakas ang buong unibersidad kahit dumaan ito ng masaklap na pagsubok kung saan binomba ng umano’y Dawlah Islamiyah- Maute terror group na kumitil ng apat na katao at sumugat ng 72 na ibang mga sibilyan sa Mohammad Dimaporo Gymnasium ng Mindanao State University,Marawi City ng Lanao del Sur.

Ito ang pagtitiyak ng MSU administration habang sinikap na maibalik sa pagiging normal na sitwasyon ang buong unibersidad halos isang linggo na ang nakalipas nang pinasabugan ng improvised explosive device ang gym.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni MSU spokesperson Atty. Shidik Abantas na bagamat sinubok ang kanilang katatagan subalit hindi umano ito ang makakasira sa higit anim na dekada ang pamamayagpag bilang unibersidad na kasalukuyang tahanan ng mahigit 23,000 mag-aaral na nagmula sa malaking bahagi ng Mindanao.

Sinabi ni Abantas na kung kinaya nila ang nangyaring limang bakbakan noong sa pagitan ng state forces at grupong Maute-ISIS kung saan umaabot sa kanilang barukan ang sagupaan ay lalo lang magpapatibay sa unibersidad ang pinakahuling panggugulo ng mga terorista.

Bagamat ikinagulat at ikinalungkot na matuklasan ng unibersidad na dati nilang estudyante ang kabilang sa nasangkot sa IED explosion sa katauhan ni Kadhafi Membisa alyas Engineer subalit tiniyak ng unibersidad na hindi na mauulit ang pangyayari.

Magugunitang pinalutang na paghihiganti ang nangyaring IED explosion subalit hindi na sila magpakampante sa kanilang seguridad kaya nais ng MSU administration na magkaroon ito ng permanente ng presensiya ng government state forces.