Tiniyak ni Manila Police District (MPD) Director B/Gen. Bernabe Balba na mananagot ang mga pulis kapag mapatunayang sangkot sa iligal na aktibidad ang mga ito lalo na kapag tumatanggap ang mga ito ng lagay sa mga tinaguriang “organizers” ng iligal vendors sa lungsod.
Ayon kay Balba sa ngayon, wala pa namang impormasyong nakararating sa kaniya kaugnay nito.
Aniya, mahigpit ang kaniyang direktiba sa mga police station commanders na iwasan masangkot sa katiwalian.
Ang pahayag ni Balba ay kasunod sa ulat na may mga organizers ng mga illegal vendors ang nagbibigay ng lagay sa mga pulis para hindi sila mahuli lalo na ngayon at malapit na ang holiday season.
Mahigpit din aniya ang tagubilin ni Manila Mayor Isko Moreno lalo na sa mga pulis na huwag na huwag magpapasilaw sa patibong ng katiwalian.