NAGA CITY – Idineklarang dead on arrival ang isang motorista matapos na bumangga sa isang pampasaherong bus sa Brgy. Ayugan, Ocampo, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Ian Raymon Cañotal Esta 23-anyos ng Lourdes Village, Pili, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SPO1 Rogelio Villamor ng PNP-Ocampo, sinabi nito na sumalpok ang motorsiklo sa JC Bus Liner na minamaneho ni Vicente Denido Evangelista Jr.

Patabi sana umano ang bus sa gilid ng kalsada dahil sa pumaparang pasahero sa lugar nang biglang mag-overtake ang biktima sa kanang bahagi ng kalsada na naging dahilan ng pagsalpok nito sa gitnang bahagi ng bus.

Sa imbestigasyon ng otoridad, hindi na nakontrol ng biktima ang kanyang motorsiklo dahil sa dulas ng kalsada dala ng mga nakakalat na buhangin sa lugar.

Matapos umanong sumalpok ay pumailalim pa si Villamor at naipit ang ulo sa gulong ng bus.

Nakasuot naman aniya ito ng helmet ngunit nagtamo umano ito ng malalang tama sa kanyang ulo na siyang itinuturong sanhi ng kanyang pagkamatay.

Samantala, lumalabas naman aniya sa kanilang imbestigasyon na walang kasalanan ang bus driver ngunit posible pa rin itong maharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.