Ibinasura ng Sandiganbayan ang hiling ni dating Lantapan, Bukidnon Mayor Teddy Parajo na mabawasan ang kanyang 40-taong sintensya sa patung-patong na kasong katiwalian.
Batay sa resolusyon ng 4th Division na may petsang May 2, nakasaad ang pagtanggi ng korte na aprubahan ang mosyon ni Parajo para muling buksan ang kanyang kaso.
Iginiit ng anti-graft court ang guidelines ng Supreme Court matapos ipaalala ng Office of the Solicitor General.
Sa ilalim kasi nito, pinapayuhan ang sino mang nahatulan na sa mababang korte maghain ng ano mang petisyon kaugnay ng kaso nito.
Sa kaso ni Parajo, dapat daw ay sa Regional Trial Court ng Panabo City ito naghain ng petisyon dahil ito ang korteng may hawak ng kanyang kaso.
“Taking into consideration that accused Pajaro and Aben are presently detained at the Davao Prison and Penal Farm, Davao Penal Colony, Panabo City, Davao del Norte, their present motion, which should actually be a petition, must be filed not with this Court but with the RTC of Panabo City, Davao del Norte with a certified true copy of the Court’s Decision attached thereto.”
Nag-ugat ang kaso ng dating alkalde matapos masangkot sa maanomalyang paggamit ng P74,000 na financial aid.
May nilabas din daw itong halos P320,000 na pondo ng lokal na pamahalaan kahit walang kaukulang dokumento.
Bukod kay Pajaro, ibinasura rin ng Sandiganbayan ang parehong mosyon ni dating municipal accountant Crispina Aben.
Nahaharap ang dalawang dating opisyal sa dalawang counts ng kasong graft at apat na bilang ng malversation of public funds.










