-- Advertisements --

Pinuri ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang Philippine Air Force (PAF) dahil sa mahusay nitong pagganap sa Exercise Pitch Black 2026 sa Darwin, Australia.

Ayon kay Teodoro, kahanga-hanga at nakapagbibigay-inspirasyon ang performance ng mga Pilipinong kalahok sa multinational air combat exercise, na nangangailangan ng mabilis na koordinasyon at mataas na antas ng katumpakan.

Partikular niyang pinuri ang Filipino pilot na nagsilbing Strike Package commander at namuno sa isang pangkat ng humigit-kumulang 20 sasakyang panghimpapawid mula sa limang bansa. 

Nakibahagi rin ang PAF sa isang large-scale mission na kinasasangkutan ng halos 60 aircraft.

Binigyang-diin ni Teodoro na mahalaga ang pagtutulungan ng mga tauhan sa himpapawid at nasa lupa upang maging matagumpay ang mga ganitong operasyon.

Ayon pa sa kalihim, ipinakita ng Exercise Pitch Black ang pangangailangan para sa mas mahigpit na kooperasyon at interoperability ng Pilipinas at mga kaalyado, na nakabatay sa international law at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Dinaluhan din ni Teodoro ang closing ceremony ng Exercise Pitch Black noong Agosto 7. Lumahok sa biennial multinational exercise ang 21 bansa.