-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Justice (DoJ) na hindi pa rin tapos ang kaso laban sa self-confessed drug dealer na si Kerwin Espinosa.

Kasunod na rin ito ng pagbasura ng korte sa Makati sa drug cases laban kay Espinosa ,maging ang ilang mga indibwal.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, labis niyang ikinalungkot ang desisyon ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 64 na absuweltuhin si Kerwin maging ang mga sinasabing kasabwat nitong sina Wu Tuan Yuan alyas Peter Co, Lovely Impal at Marcelo Adorco.

Sinabi ni Guevarra na kahit hindi pa ito nakakuha ng kopya ng desisyon ng korte ay ipinag-utos na nito sa prosecutor general na gawin ang lahat ng legal remedies para mabaliktad ang desisyon.

Nagpahiwatig si Guevarra na maghahain ang mga ito ng motion for reconsideration sa trial court.

Dagdag ni Guevarra, hindi pa rin puwedeng palayain si Espinosa dahil mayroon pa itong mga nakabinbing kaso sa Manila Regional Trial Court at isa pang kaso sa Albuera, Leyte.

Una rito ay yuluyan nang ibinasura ng korte sa Makati ang kaso laban kay Espinosa.

Sa 13-pahinang desisyon, kinatigan ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 64 ang “demurrer to evidence” na inihain ng kampo nina Espinosa, Impal, Wu Tuan at pagbasura sa motion to dismiss the demurrer to evidence na inihain ni Marcelo Adorco.

Nag-ugat ang kaso sa sinasabing sabwatan ng grupo ni Espinosa sa illegal drug trade.

Hindi rin kumbinsido ang korte sa testimonya ng mga pulis para patunayan ang alegasyon laban sa grupo ni Espinosa.

Una rito, kinasuhan ng DoJ sina Espinosa kaugnay sa umano’y illegal drug trade sa Eastern Visayas.

Si Espinosa ay anak ni dating Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr.

Ang dating alkalde ay nasawi sa loob ng kulungan noong 2016 matapos umanong manlaban sa mga pulis.

Kasama ang nakatatandang Espinosa sa mga lokal na opisyal na nasa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang nakababatang Espinosa ay naaresto sa Abu Dhabi noong Nobyembre 2016.

Sinabi noon ng PNP-Anti Illegal Drugs Group (AIDG) na umamin mismo si Espinosa na sangkot ito sa kalakalan ng iligal na droga.