LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Ako Bicol Party-list na maghahain sila ng Motion for Reconsideration matapos ibasura ng Korte Suprema ang tatlo nilang petisyon na kumukwestiyon sa provincial bus ban ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA.
Sa inilabas na desisyon ngKataas-taasang Hukuman, nakasaad na nilabag umano ng mga petisyon ang “doctrine of hierarchy of courts” na dapat sana’y idinaan muna sa mga mabababang korte.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., na malinaw na nakasaad sa kanilang petisyon ang pagkwestiyon sa constitutionality ng hurisdiksyon ng MMDA sa ban nito at hindi ang usapin na kung talagang nakakapagpabigat ang provincial buses sa EDSA traffic.
Paliwanag ng mambabatas, tanging ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pinahihintulutan sa naturang function.
Pinawi naman ni Garbin ang pangamba ng mga kababayan mula sa South at North Luzon sakaling maituloy ang ban dahil ilalaban umano nila ito hindi lang sa Korte kundi sa Kongreso.
Maliban sa petisyon na inihain ng Ako Bicol Party-list, kabilang pa sa mga ibinasura ng SC ang petisyon nina Albay Cong. Joey Salceda at Makabayan bloc.
Sa kabila nito, nag-isyu naman ng writ of preliminary injunction ang Quezon City court noong Hulyo 2019 upang pigilan ang LTFRB sa pagpatupad ng ban.