Inusisa ng mga senador ang ilang opisyal ng Bureau of Customs (BoC), Bureau of Immigration (BI), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at iba pa dahil sa isyu ng pagpupuslit ng malaking halaga ng pera ng ilang Chinese.
Matatandaang sa privilege speech ni Senate blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon, ipinakita nito ang bulto-bultong pera na ipinuslit sa ating bansa na may halagang $447 million o katumbas ng P22 billion.
Sinasabing gamit ito ng mga Chinese sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ilang iligal na aktibidad.
Batay sa batas, sinabi nina AMLC Executive Director Mel Racela at Customs Commissioner Rey Guerrero na maituturing na bilang smuggling ang pagpasok ng ganun kalaking halaga ng pera.
Naungkat din sa hearing ang umano’y identity theft at sex trafficking na kinasasangkutan ng ilang Chinese.