GENERAL SANTOS CITY – Malaking regalo na para kay Dionesia Pacquiao sa kanyang 70th birthday ang pagkapanalo ng kanyang anak na si Ruel Pacquiao bilang kongresista ng Sarangani Lone District.

Ayon kay “Pacmom,” wala na itong hihilingin pang ibang regalo mula sa kanyang mga anak sa kanyang birthday ngayong araw.

Wala ring inimbita na bisita maliban na lamang sa mga anak at si Michael Yamson na palagi nitong kasama.

Kaninang tanghali, nag-alay ng isang misa para sa birthday ni Dionesia na ginawa sa kapilya sa gilid lamang ng bahay nito sa San Isidro nitong lungsod.

Nabatid na kagabi lamang pilit na lumabas ng pagamutan si Mommy D matapos ang apat na araw na pagkakasakit.