Pabor ang ilang mambabatas sa muling pagpapalawig ng enhanced community quarantine pagkatapos ng April 30 deadline nito.
Ayon kina AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, at BHW party-list Rep. Angelica Natasha Co, maaring palawigin ang enhanced community quarantine sa Luzon pero dapat magkaroon ng modification.
Sinabi ni Garbin na kung palawigin man ulit ang lockdown lagpas ng April 30 deadline nito, dapat na mahigpit pa rin ang implementasyon ng social distancing at paggamit ng face masks at iba pang protective gears.
Dapat na sarado pa rin aniya ang mga malls , paaralan at iba pang lugar kung saan madalas nagtitipon-tipon ang maraming tao.
Hindi rin aniya dapat pahintulutan ang paglabas ng bahay o paggala ng mga nakatatanda, may sakit, pati na rin ang mga buntis.
Maari naman din aniyang payagan ang pagbiyahe ulit ng mass transportation pero dapat magkaroon ng restrictions tulad ng kung ilan lang ang dapat na sakay nito at kung hanggang saan lang puwedeng makabiyahe.
Nakikita naman ni Defensor na maaring payagan nang makabalik ang operasyon ng construction sector dahil sa multiplier effect nito sa ekonomiya.
Para naman kay Co posible na ang mga lugar na may mga admitted COVID-19 positive patients at may mga naka-home quarantine dahil sa sakit lamang ang dapat na isailalim pa rin sa enhanced community quarantine.
Nauna nang hinimok ni House Ways and Means Committee chairman Joey Salceda ang National Task Force na irekominda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang 2-weeks extension ng Luzon-wide lockdown.
Base kasi aniya sa mga scientific evidence, hindi pa nakakamit ng Pilipinas ang “justified confidence” pagdating sa laban kontra COVID-19.
Sa ngayon, papalo pa lamang aniya sa 46,000 tests ang naisasagawang COVID-19 tests at inaasahang madadagdagan ng 80,000 pa pagsapit ng Abril 30, na siyang nakatakdang pagtatapos ng Luzon-wide lockdown.
Pero kulang pa rin aniya ang naturang bilang dahil 0.1 percent lamang aniya ito ng kabuuang populasyon.
Kung aalisin na kaagad ang enhanced community quarantine, sinabi ni Salceda na marami sa mga positive cases, lalo na ang mga asymptomatic, ang posibleng hindi maisailalim sa testing at posibleng makahawa sa iba.