KORONADAL CITY – Naniniwala ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na malaki ang maitutulong ni Mocha Uson sa ahensiya matapos itong itinalagang Deputy Administrator.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay OWWA-12 regional director Kristine Marie Sison, marahil aniya ay itinalaga si Uson sa nasabing posisyon dahil malaki ang tiwala sa kaniya ng Duterte administration.
Kilala kasi ang lead singer ng Mocha Girls bilang advocate ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Iba rin umano ang karisma nito sa mga OFWs upang maipaabot sa gobyerno ang mga pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino.
Dahil dito malaki ang maitutulong ni Uson upang magkaroon ng mas mabuting ugnayan ang OWWA sa mga OFW.
Ipinasisiguro rin ng ahensiya ang kooperasyon kay Uson upang matulungan pa ang mga OFW pati na ang mga naiwang pamilya ng mga ito sa Pilipinas.
Kung maaalala, bago pa man itinalagang bagong Deputy Administrator ng OWWA si Uson ay naging Presidential Communications Assistant Secretary ito ngunit nag-resign noong nakaraang taon.