CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) habang sugatan naman ang tatlong pulis sa nangyaring engkwentro sa Kapatagan, Lanao del Sur.
Kinilala ang mga sugatang pulis na sina Police Captain Karl Vincent Centenaje, Corporal Morsed Maliga at Patrolman Abdul Khamied Unda, ng Kapatagan Lanao del Sur Municipal Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lanao del Sur Police Provincial Office chief Col. Madzgani Mukaram na nangyari ang shooting incident nang isinilbi ng mga police ang warrant of arrest sa kasong murder laban kay MNLF member Meranda K. Bagnas, 45-anyos, isang magsasaka at residente ng Barangay Daguan, Kapatagan, Lanao del Sur.
Pagdating sa crime scene, biglang pinaulanan ng mga bala ang operating teams kung saan tumagal sa 20 minuto ang bakbakan na ikinasugat ng tatlong pulis at napatay naman nito ang isang MNLF member na si Rakim Antonio.
Dismayado naman ang government forces dahil nakatakas ang kanilang target na si Bagnas ngunit kumbinsido sila na nagtamo ito ng tama sa katawan.
Patuloy ang manhunt operation ngayon ng pulisya laban sa suspek.