Kapwa halos hindi makapagsalita sina Judy Ann Santos at Allen Dizon matapos masungkit ang top acting awards sa Gabi Ng Parangal ng 45th Metro Manila Film Festival (MMFF) para sa pareho nilang kinatatampukang entry na ‘Mindanao.”
Sa kanyang online post, unang pinasalamatan ng 41-year-old actress ang Panginoon para sa 11 hinakot na awards ng nasabing family drama film.
“Wooohhh!!! Lord! Grabe ka sa akin this year! I am beyond grateful ! ❤️❤️ maraming maraming salamat sa bumubuo ng mmff , mmdf sa parangal na ito.. to the whole team of mindanao congratulations for bagging 11 awards!!” ani Santos.
Nabatid na best actress din sa naturang MMFF movie ang misis ng celebrity ding si Ryan Agoncillo sa 41st Cairo International Film Festival noong nakaraang buwan lamang.
Sa panig naman ni Allen Dizon, natutuwa raw ito bagama’t hindi makapaniwala na siya ang tinanghal bilang MMFF best actor.
“Siyempre, Aga Muhlach ‘yun, e. ‘Pag Aga Muhlach ang kalaban ko, OK. Alam ko from the very first day, siya (Aga) yung sinasabi na mananalo for Best Actor. Hindi ko ini-expect na ako ang mananalo. Depende sa jury kung sino talaga ang mananalo. Happy lang,” wika ng dating isa sa most in-demand sexy actor.
Kung maaalala, si Aga Muhlach ang maingay na pinag-uusapan ng mga netizens para sa papel nito sa remake ng South Korean drama na “Miracle in Cell No. 7.”
Una rito, big winner ang pelikulang “Mindanao” at kabilang pa sa mga iginawad sa kanila ay ang Best Picture, Best Director para kay Brillante Mendoza, Best Child Performer kay Yuna Tangod, Best Float, FPJ Memorial Award, Gatpuno Antonio J Villegas Cultural Award, Best Visual Effects, Best Sound, at Gender Sensitive Award.
Samantala, iginawad naman Scratch It Star of the Night kina Aga Muhlach at Carmina Villaroel.
Ginanap ang seremonya sa New Frontier Theater sa Araneta City kagabi.
Mapapanood pa ang walong MMFF entries hanggang sa January 7, 2020, pero tila isyu ang pagtanggal na ng ilang sinehan sa ibang palabas.